Pinaghahandaan na umano ng White House ang posibilidad na pagpataw ng sanction sa China kaugnay ng malawakang cyber attack sa kanilang government network.
Base sa ulat ng CNN, ito ay ilang linggo bago ang nakatakdang state visit ni Chinese President Xi Jinping sa Estados Unidos.
Ayon sa White House official na tumangging magpakilala, ito ang nakikitang hakbang ng administrasyon ni US President Barack Obama kahit todo-tanggi ang Beijing na ito ang nagtatangkang pumasok sa internet system ng Estados Unidos.
Gayunpaman, wala pang pinal na desisyon sa timeline kung kailan ipapatupad ang sanction.
Una nang tiniyak ni Obama na palalakasin ang cyber defenses ng US kung saan sa patuloy na imbestigasyon ng Washington, lalong nadidiin ang China.