Mahigpit ang pagbabantay ng militar at pulisya sa iba’t ibang lugar sa Mindanao, partikular sa Muslim autonomous region, matapos ang sunud-sunod na pag-atake ng mga rebelde sa Maguindanao province at iba pang lugar doon.
Kaliwa’t kanan ang labanan sa pagitan ng mga sundalo at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). At kamakalawa lamang ay nakisawsaw na rin ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at nakipagsagupaan sa militar na tumutugis sa BIFF.
Isang bomba rin ang iniwan sa labas ng police station kamakalawa ng gabi, mabuti na lamang at nadiskubre ito ng isang sibilyan at agad na nadisarmahan.
Ang kaguluhan at pagsasanib-puwersa ng ilang unit ng MILF at BIFF ay nataon sa kabiguan ng pamahalaang Aquino na maipasa ang proposed Bangsamoro Basic Law (BBL) na siyang magpapalawig sa Muslim autonomous region.
Inaalmahan ng MILF ang hindi pagpasa sa Kongreso ng BBL.
Kamakailan lamang ay nadakip ng militar at pulisya ang isang MILF commander na si Hassan Indal na siya ring deputy vice chairman ng BIFF matapos na lusubin ng mga parak at sundalo ang hideout nito sa Cotabato City. Nanlaban rin ang anak ni Indal na si Ali at napatay ito.