Dahil sa aktibong partisipasyon ng kababaihan sa kanayunan sa pangkabuhayang produksyon, dapat kilalanin ang kanilang kontribusyon sa pambansang kita. Gayunman, ang lakas-paggawa ng kababaihan ang bumubuo sa malaking bahagi ng walang bayad na lakas paggawa ng pamilya (unpaid family labor) sa kanayunan. Ang kanilang kontribusyon ay hindi nagagawaran ng katumbas na karapatan. Ang mga kalalakihang magbubukid ang karaniwang kinakausap ng mga panginoong maylupa kaugnay sa mga kasunduan, hatian at iba pang usapin gaya ng pagkakaroon ng tenancy rights, paglagda at pagdesisyon sa mga leasehold contracts. Sa malalaking plantasyon, tinatayang mas mababa ng 12% ang sahod ng mga kababaihang magbubukid kung ikukumpara sa sahod ng kalalakihan. Karaniwang kababaihang magbubukid o ang kanilang anak na babae din ang biktima ng sapilitang pang-aalipin bilang pambayad-utang sa mga asendero’t komersyante-ususero. Hindi rin sila nakatatanggap ng benepisyong pangkalusugan tulad ng maternity benefits, regular na check-up at benepisyo sa kanilang pagtanda (security benefits).