Sa ikalawang araw ng oral argument ng kasong inihain ng Pilipinas laban sa China sa Arbitral Tribunal ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands, sumentro ang diskusyon sa isinagawang reclamation activities ng China sa maraming bahagi ng South China Sea.
Sa pag-uulat ni deputy presidential spokesperson Usec. Abigail Valte, miyembro ng Philippine delegation, ipinaliwanag sa Tribunal ni Professor Philippe Sands na ang Mischief Reef, Second Thomas Shoal, Subi Reef, Mckennan Reef at Gaven Reef ay itinuturing na “low tide elevations” sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) kung kaya’t hindi ito maaaring angkinin bilang “territorial sea, exclusive economic zone or continental shelf”.
Ipinakita rin ni Sands sa Tribunal ang construction activities sa mga nabanggit na lugar upang ikatuwiran na ang mga konstruksyon na ito ay hindi maaaring maging basehan ng additional maritime entitlements ng China.
Ipinaliwanag naman ni Andrew Loewenstein na kahit isa sa tatlong kondisyon para maestablisa ang “historic rights” nila sa kabuuan ng South China Sea sa ilalim ng 9-dash line ay hindi naipakita ng China, kung kaya’t maituturing na “hopeless and indefensible” ang pag-angkin nila sa nasabing teritoryo.