Magpopormahan subalit hindi magpuputukan ang China at Estados Unidos sa West Philippine Sea (WPS) dahil hindi isasakripisyo ng mga ito ang kanilang trading partners para sa kapakanan ng Pilipinas.
Ito ang basa ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate kaugnay ng nakatakdang pagpapatrol ng United States Navy sa WPS na mapalit sa mga isla na binakuran na ng China.
“Sa tingin ko as of now walang mangyayaring actual confrontation ang US at China sa West Philippine Sea. Acoustics lang ‘yan at most,” pahayag ni Zarate sa panayam ng Abante.
Ayon sa mambabatas, hindi isasakripisyo ng dalawang nabanggit na bansa ang kanilang trading partnership dahil kapwa malaki ang mawawala sa kanilang dalawa kapag nagkataon.
Dahil dito, dapat aniyang paigtingin na lamang ng Pilipinas ang kanyang sariling polisiya para maproteksyunan ang teritoryo sa Spratly Islands na patuloy na inaangkin ng China.